tama ka na
ang tamang kumbinasyon ng mainit at malamig na tubig, maligamgam at hawak mo ang aking mga mata at damdaming bigla na lamang nagbabago sa sandaling magpalit ng temperatura ang mundo. HIndi mo nanaising marinig ang aking malalamig na halakhak, gayundin ang pagtakas mo sa nag-aapoy kong mga ngiti. Nagnanais din akong magbago, nangangarap na mabuhay ng normal, subalit ang hamon ng paligid ay unti-unting humihiling ng malahayop na pangangailangan. Naniniwala ako na ang mga taong takot mamatay ay walang karapatang mabuhay, nainiwala rin akong mas kilala ko ang sarili ko at walang sinumang makakapagsabi sa akin kung ano talaga ako. Naniniwala rin akong may mga pagkakataong kinakailangan ng digmaan para makamit ang kapayapaan. AT kinakailangan ding mamatay para maintindihan ang tunay na sarap ng buhay.
Ako nga pala ay isang mandirigmang dangal ng lahi, nahulog, namatay, inilibing, nabuhay na magmuli ngunit hindi na katulad ng dating mandirigmang may dalang tabak. Ako ay isang mandirigma sa aking sariling mundo. Sa mundo ng kadilimang pinipilit abutin ang tunay na liwanag. Ako ay naglalakad sa kawalan na ang tanging dala-dalahan ay ang aking tiwala na bukas, makakamtan ko din ang liwanag.
Ako ay isang mangingisda, simpleng mangingisda lamang, ngunit bukas, hindi lamang isda ang aking huhulihin, at hindi lang isda ang mabibigyan ko ng pakinabang. Ako ay ako, naniniwalang ang araw ay sumisikat sa Silangan, at sa ayaw at sa gusto natin, sa Kanluran ito lulubog. Ngunit hindi sa katapusan ng araw magwawakas ang ating mga pangarap, hudyat lamang ito ng bagong simula.