talaga naman…

minsan talaga, masarap yung pakiramdam ng nagmamahal e. ganun ang naramdaman ko nung ibinigay ko sa kanya yung sulat ng pagsuko na ginawa ko. Naalala ko yung sulat na yun… "hindi ito tungkol sa pag-ibig, hindi bagay sa akin ang salitang iyan, ito ay tungkol sa pagpapaalam". Hindi ko alam kung saan ko natutunan ang pagmamahal na yun, pagmamahal na isusuko mo ang sarili mo sa hangad ng panahon, at ang panahon ding iyon ang makapagpapatatag sa iyo.

Hindi ko alam kung anong naramdaman niya noong ibigay ko sa kanya ang sulat na yun. Basta ang alam ko, mahal ko siya, at wala na akong pakialam sa mangyayari. Nabusog kasi ako ng panahong uso ang pagpaparaya, martir at bayani. Kaya naman ipinaubaya ko na lang sa sobra-sobrang pag-ibig na ibinuhos ko sa sulat na yun, at kokonting baon na paliwanag bukas.

Masarap din palang marinig galing sa bibig ng mahal mo na sabihin niyang mahal ka niya. Kapag naaalala ko yung mismong pangyayari sa ilalim ng punong mangga, hindi ko maiwasang matuwa… at malungkot… sabay tanong sa sarili ko "anong nangyari sa atin?".

Hindi ako naniniwala sa mahabang ligawan, at hindi rin ako naniniwala sa mahabang relasyon. Naniniwala ako na ang pag-ibig na hindi nabuo sa unang pagtatagpo ng pag-iisip ay hindi kailan man mabubuo kahit pa sa mahabang panahon. Gusto kong paniwala sa mga taong nagsasabi sa akin na kelangan ko nang magmahal muli, pero mas marami sa kanila ang naniniwalang hindi ko na kailangan ng karelasyon para mabuhay. Ang hindi nila alam, hinahanap ko din ang kaparehas ko, kung meron man.

Takot ako sa kabiguang may kaugnayan sa pag-ibig. Sa palagay ko ay napakalupit na paraan ang hindi pagbigyan ang pusong hindi naman ginustong umibig sa taong tumanggi sa alok niya. Aborsyon, sa madaling salita. Hindi natin malalaman kung sino talaga ang tunay sa para sa atin kung hindi natin susubukan. Pero sa batong pagulong-gulong, hindi kinakapitan ng lumot. Nakakalito.

May mga taong mahal mo, pero hindi mo gusto. May mga tao din na gusto mo pero hindi mo pwedeng mahalin. At marami pang kumbinasyon, hindi mabilang. Pero hanggang kelan ba natin hahanapin ang mahal at gusto natin? Sapat kaya ang habangbuhay natin para hanapin siya? Mahirap ipaliwanag dahil hindi na nakakapag-isip ng dahilan ang pusong umiibig.

Leave a Reply