Everest
May 19th, 2006 by janusresurrectionMount Everest ang pinakamataas na bundok sa buong mundo, at kamakailan lang ilang pinoy ang sumubok akyatin ito at sila ay nagtagumpay.
Narating nila ang tuktok ng Mount Everest, dala ang bandila natin, nagbibigay patunay na kinaya ang pinoy ang ganoon kahirap na pagsubok.
Lahat ng istasyon ng tv at radyo ay nagbabalita tungkol sa mga pilipinong ito. Kanya-kanyang kuwento hinggil sa "hirap" na dinanas ng mga ito sa pag-akyat sa "tuktuok ng mundo".
Noong una ay medyo natutuwa pa akong marinig ang mga kuwento tungkol sa pag-akyat, pero unti-unti na akong nasawa, at napikon dahil sa sobrang paulit-ulit nito na nakakatulig na.
Nagtatalo pa sila kung sino ang tunay na naunang umakyat. At ang hindi ko matanggap, at nagpainit lalo ng ulo ko ay nang marinig ko ang paboritong tag line ni Leo Oracion na " Nagawa ko na ang imposible".
Hindi ko alam kung dahil sa tarik ng bundok na iyon kaya parang naalog ata ang utak ni Leo at parang ang "imposible" sa kanya ay hindi ganoon ka-imposible para sa paniniwala ko. Siguro naman ay mas maraming karanasan sa akin ang taong iyon kung pagbabasehan ang edad at mga gawain sa buhay, pero hindi ko talaga maubos maisip kung anong "imposible" ang nagawa niya.
1957 pa unang naakyat ang Mount Everest, ang pagkatapos noon ay napakarami nang nagsipagsunuran. 2006 naakyat ni Leo ang bundok na iyon, pero "IMPOSIBLE" daw ang kanyang nagawa.
Pero ano ba talaga ang dahilan ng pag-akyat na ito? Bakit parang gusto yatang ipahayag sa buong mundo na nakaakyat na ang pilipino sa Mount Everest? Bakit natutulig na ang mga tao sa balitang ito, na hindi ko naman makita ang mapapala ng mga piliino sa pangyayaring iyon?
Hindi kaya babayaran na ng mga intsik ang utang natin sa World Bank kapag naakyat ng pilipino ang pinakamataas na bundok sa buong mundo? O baka naman lilinisin ng hapon ang lahat ng polusyon at dumi ng Pilipinas kapag nakatapak ang pilipino sa tuktok ng bundok na yun? Sana may pustahan na lang na naganap na makikinabang ang lahat dahil sa pag-akyat na yun nila sa Everest, na akma sa balita at karangalan na ibinibigay sa kanila.
Kitang-kita at halatang-halata na, pero bakit wala paring kumikilos hinggil dito? Kailangang-kailangan na ng kawawang bansa natin ang mga bayani sa mga panahong ito. Desperado na tayo dahil wala na tayong pamantayan ng mga bayani ngayon. Hindi natin sila makita sa gobyerno o kung saan man, kaya ang mga nagiging bayani natin sa panahong ito ay mga boksingero, umaakyat ng bundok, artista, singer at kung sino-sino pang mga taong nakakakuha ng pagkakataong maipahayag ng malawakan ang kanilang mga adhikain, na hindi naman ganoon karangal. At ang mga taong walang pagkakataong makapagyabang nang kanilang mga nagawa, kahit gaano ito kahanga-hanga ay walang saysay sa mga taong walang alam.


